Mahal na Araw at paglipas ng mga araw
Ang bakasyon ko nitong nakalipas na Mahal na Araw ay puno ng mga pagbabalik-tanaw sa mga nakalipas na panahon at ng mga paalalang sa sumapit na buwan ng Marso, ako rin, isang taon bago mag-tatlumpu ay — ika nga ni Markku – nawawala na sa kalendaryo.
Pagdating ko sa Marinduque, nang bumili ako sa tindahan ni Ate Ana, naabutan ko roon ang isang kabataang lalaking sa una’y akala ko’y ang isang pinsan ko. Siya pala yung anak ng isang kapitbahay naming nasa ibang bansa. Nang kumustahin ko siya, nalaman kong nagtapos na siya ng kolehiyo, at may asawa’t dalawang anak na. Siguro’y mga pitong taon ang tanda ko sa kanya, at ang naaalala kong mukha niya’y sa paslit na sipunin pa!
Sumunod na bumili sa tindahan ang isang pinsan (second cousin) kong dalagita. Sa una, akala ko’y siya ang isang ate niya. Yun pala, siya ang pinakabunso, na dati ay maliit na batang di pa nga nagsasalita.
Imposibleng di ko nakita ang mga batang ito sa mahigit isang beses sa bawat taong pag-uwi-uwi ko sa Ipil sa nakalipas na 13 taon mula nang magkolehiyo ako sa Maynila. Pero ang nakatatak sa alaala ko’y ang mga hitsura nilang alam ko noong doon pa ako nananatili sa amin.
May mga ilang bagay pa namang di nagbabago, gaya ng mga tradisyon sa amin. Ang prusisyon at ang mga santo at santang inililibot sa bayan. Iyon pa rin ang alam kong estatwa ni Veronica at ng Madre Dolorosa. Hinabul-habol ko rin si Maria Magdalena. Ang mga Morion, at ang mga batang takot o kahit paano’y ilag sa kanila. Pero high tech na kami. Ang mga morion, hinahabol na ng cellphone at digital cameras.
Noong Biyernes Santo, nakita at kinausap ko si Ka Melecia, isang kasamahan ng Mama ko sa pagiging katekista sa simbahan noong nabubuhay pa siya. Pagkalipas ng siguro’y may 20 taon, at sa kabila ng kanyang edad, katekista pa rin siya. Natuwa siya’t naalala ko pa siya. Maliit at payatot pa raw ako noong kasama ako ng Mama ko. Gumandang lalaki raw ako, hehe.
Nang paalis na ako sa Maynila, habang naghihintay ng iba pang maisasakay ang pampasaherong van sa harap ng simbahan, hindi iisa ang nakita kong kumukuha ng litrato ng lumang simbahan namin.
Dinalaw ko si sa kanilang kumbento si Sister Paula, ang kaibigan naming madre. Binigyan niya ako ng stuffed toy na kabayo noong maliit pa ako. Dati’y matagal siyang nawala sa parokya namin dahil nadestino siya sa ibang lugar. Pero ngayon, mukhang sa amin siya ulit ng ilang taon pa. Malapit nang maging santo ang Pilipinong obispong nagtatag ng kanilang order, ang Misionary Catechists of Saint Therese.
Nakita ko rin sa may simbahan ang maalagang guro ko sa grade one at pinakaunang guro. Retired na siya ngayon, at kung tama ang pagkakaalala ko sa sinabi niya, mag-aasawa o nag-asawa na ang anak niyang babae na kasing-edad ko. Halos taun-taon ko ring nakikita si Ma’am Gracia sa bayan dahil nga lagi rin siyang nasa simbahan, pero iba pa rin ang pakiramdam na malamng retired na ang teacher ko noon.
Pagbalik sa Maynila, dumalo naman ako sa isang kitaan kasama ang mga pamangkin ng lola ko. Umuwi kasi ang dalawang tiya ko galing sa Germany. Ang isa sa kanila, 14 na taon pa lang daw ako nang huli niyang makita. Sabagay, naglalaro pa ang kambal niya nang huli silang umuwi sa Marinduque. Ngayon, mga teenager na sila, at di ko pa rin muling nakikita.
Bakasyon. Senti.
Pero gaano man kahaba ang isulat ko tungkol dito, iisa lang ang punto: Bakit hindi maaaring bitbitin ang magagandang tao at bagay sa buhay ko ngayon, at isama sila pabalik sa nakalipas na ipinaaalala ng lahat ng ito?
Related Entries:


















April 1st, 2008 at 8:06 am
ang saya-saya naman andaming litrato. na-miss ko ang prusisyon at maraming “tradisyong” isinasagawa tuwing mahal na araw sa bayan namin sa Pampanga. hindi ako umuwi eh. natulog lang ako sa bahay namin dito sa Rizal
April 1st, 2008 at 9:33 pm
“Bakit hindi maaaring bitbitin ang magagandang tao at bagay sa buhay ko ngayon, at isama sila sa nakalipas na ipinaaalala ng lahat ng ito?”
Bakit hindi? Hindi dahil sa nagbago ka na sa antas at pananaw sa buhay, hindi na sila naging bahagi ng buhay mo. Ang magagandang alaala ng kabataan natin ay bahagi ng kung sino tayo ngayon, at napakasarap balik balikan ang nakaraan, lalo na kung sa tingin natin ay nakakalimot na tayo sa pagkataong inihubog ng pamilya natin.
Sana isa na akong retiradong mang gagawa. Makikita mo na lang ako bilang Hermana sa simbahan, tatawaging Aling _______, at magiging aktibo sa lahat ng gawain sa bayan namin sa Calatagan, Batangas.
April 12th, 2008 at 8:21 am
Hi Ederic, matagal ko ng sinusubaybayan itong blog mo. Nakatira na ko sa Los Angeles, CA. Di ko matiis na mag-comment, nabanggit mo kasi ang pinsan ng Nanay ko na si Sr. Paula. Matagal ko na siyang di nakikita simula pa noong paslit pa ko sa Atimonan, Quezon. Huli ko syang pinadalhan ng Christmas Card nitong Disyembre. Sana mabanggit mo pangalan ko pag nagkita uli kayo.
April 12th, 2008 at 10:03 pm
Ang tanda na natin, tsk.
markku’s last blog post..By the mountains…
April 22nd, 2008 at 4:13 am
hi edric, balak ko sana pumunta next month. planado na kaso hindi yata matutuloy ulit .. musta na? ingat
July 3rd, 2009 at 4:54 pm
Marinduqueno.com Marinduque scandal by Marinduqueno.com