Archive for the ‘Sining at Musika’


Published January 23rd, 2008

Buhay at Bukid

“Pls support & pray 4 our farmers who will hold a peaceful march today to ask GMA 4 land & social justice.” Ganyan ang text message na natanggap ko kahapon mula kay Tonyo, kaibigan at kasamahan ko sa TXTPower at Bloggers’ Kapihan.

Ika-21 anibersaryo ng Mendiola Massacre kahapon, at nagtipun-tipon sa Chino Roces Bridge (dating Mendiola) ang mga magsasaka mula sa Timog Katagalugan upang igiit ang kanilang panawagan para sa tunay na repormang agraryo.

Sa Mendiola Massacre, 13 magsasaka ang namatay matapos pagbabarilin ng mga sundalo habang nagpoprotesta sila noong Enero 22, 1987–wala pang isang taon matapos maluklok sa Malacanang si Pangulong Cory Aquino dahil sa Edsa People Power Revolution.

(more…)

Published October 24th, 2007

Theater Talk, Atbp.

Dalawampung bloggers ang inaanyayahan ng PinoyCentric.com, ManilaGayGuy, at ni Gibbs Cadiz sa “Theater Talk Atbp,” kasama ang multi-awarded writer-director na si Floy Quintos ngayong Sabado, October 27, 5:30 to 7:30 p.m. sa PLDT/Smart Exhibition Hall ng PETA Theater Center sa 5 Sunnyside Drive, New Manila, Quezon City.

Ayon kay Gibbs, ito’y isang “informal, animated, and interactive chikahan session on theater appreciation.” (more…)

Published August 5th, 2007

Reymond Sajor, kampyeon sa WCOPA

Narito ang isa namang dahilan upang maipagmalaki ang pagiging Pilipino.

Si Reymond Sajor–dating Philippine Idol finalist–ang bagong new Grand Champion Senior Vocalist of the World sa katatapos lamang na 11th World Championships of Performing Arts (WCOPA) , ayon sa STAGES publicist na si Oliver Oliveros.

Ang 11-taong gulang na si Aria Clemente naman ang Grand Champion Junior Vocalist of the World at Over-all Grand Champion of the World sa Junior Division ng WCOPA na ginanap sa Hollywood sa California, USA. (more…)

Published November 27th, 2005

Mga Makata Para sa Pagpapatalsik kay Gloria

Natanggap ko sa e-mail ang imbitasyong ito:

Inaanyayahan ang lahat na pumunta sa isang gabi ng pagbabasa ng tula at malayang pagpapahayag hinggil sa pagpapatalsik kay Gloria Macapagal-Arroyo. Gaganapin ito sa Martes, Nobyembre 29, 2005, 7-9pm sa Conspiracy, Visayas Avenue. Ang poetry night ay pinasisimunuan ng UP AWARE o UP Alliance Working for Arroyo’s Removal. Ang mga nakatakdang magbasa ng mga tula mula sa antolohiyang Truth and Consequence: Poems for the Removal of Arroyo ay sina Dr. Bienvenido Lumbera, Dr. Joi Barrios, Prop. Romulo Baquiran, Prop. Danton Remoto, Prop. Adelaida Lucero, Prop. Duke Bagulaya, at marami pang iba. (more…)

Published August 12th, 2005

Harry Potter: Ikaanim na Aklat

Salamat sa kanyang may-akda, si J.K. Rowling, muling nakapiling ng kanyang mga tagasubaybay si Harry Potter. Kabilang ako sa mga natuwa sa paglabas ng ikaanim na aklat, ang Harry Potter and the Half-Blood Prince.

Duda akong meron sa inyong hindi pamilyar sa kuwento ni Harry Potter–paano’y bukod sa anim na mga libro ay may tatlong pelikula nang nagsasalaysay ng kanyang kasaysayan. Pero sa mga matagal na nagbakasyon sa Pluto, si Harry Potter ay isang batang wizard na nagpapalipat-lipat sa ating mundo at sa mundo ng mahika. Ulila na siyang lubos kaya kapag nakabakasyon siya sa Hogwarts, ang paaralan ng mga batang may kapangyarihang tulad ng sa kanya, nakikitira siya sa bahay ng tiya niyang ordinaryong tao. Ang kanyang mga magulang ay pinatay ng isang alagad ng kadiliman–si Lord Voldemort, na ang pangalan pa lamang sapat na upang manginig sa takot ang marami sa mga kauri ni Harry Potter.

Pero iba ang ating bida. Siya ang itinuturing na mortal na kaaway ng masamang si Voldemort. Nakaligtas kasi siya sa nakamamatay na sumpang ipinukol ng Dark Lord sa kanya at sa kanyang mga magulang. Bagamat ang kanyang mga magulang ay nasawi, si Harry Potter ay iniligtas ng pagmamahal ng kanyang ina. Nabuhay siya at isang pilat sa noo lamang ang naging palatandaan ng mapait na karanasang iyon.

Nang sinisimulan ko nang basahin ang aklat, naramdaman kong parang muli kong nakasama ang ilang kaibigang ilang panahon ko ring di nakita at nakausap. Nakakatuwang muling mabasa ang mga pamilyar na karakter–sina Harry Potter, ang mga matatalik niyang kaibigang sina Ron at Hermione, at ang mundong kanilang ginagalawan. Ganyan kahusay ang panulat ni Rowling. Ang mahikang nilikha niya sa kuwento ni Harry ay tila may kapangyarihang tumatagos sa ating daigdig upang pansamantala tayong dalhin sa loob at labas ng Hogwarts. Sa ating imahinasyon, nabubuhay at nagkakatotoo si Harry Potter at ang kanyang mga kaibigan.

Kakaiba ang ikaanim na aklat. Ito ang pangalawa sa huli sa serye ng pitong aklat, kaya naman malaki ang papel na ginagampanan nito sa paghahatid sa atin sa kasukdulan ng kuwento ni Harry Potter. Dito natin nasasaksihan ang paglaki at paggulang ng mga batang tauhan. Kasabay ng pisikal nilang paglaki, unti-unti nilang nararanasan ang mas matitinding pananagutan at mas mabibigat na pakikipagsapalaran.

Sa ikaanim na aklat, mas mapapalapit si Harry Potter sa kanyang dakila at makapangyarihang tagapag-alaga, si Albus Dumbledore na pinuno ng Hogwarts. Dito’y lulunurin tayo ng mga eksena ng pagmamahal at pagkalinga at di-matitibag na katapatan.

Isasalarawan din ng ikaanim na aklat ang matiwasay na pagtanggap sa pag-iisa at pagpapakatatag sa kabila ng paglisan ng mahal sa buhay. Gayundin, ipakikitang ang kadakilaan ng isang tao ay susukatin sa kung paano niya ginugol ang kanyang buhay at kung paano siya nakitungo sa kanyang kapwa.

Si Harry at ang kanyang mga kaibigan ay mahaharap din sa kumplikadong usapin ng tunggalian sa pagitan ng pag-ibig at pagkakaibigan at pag-ibig at pakikipagsapalaran.

Gaya ng dati, nakakaaliw at exciting ang mga pahina ng kuwento ni Harry Potter. Sa aklat na ito, mas marami ang mga eksenang may kilig at madamdamin. Ngunit ang pinakamahalaga sa lahat, itinatampok nito ang pagkakaibigang walang iwanan–na minsa’y sa mga istorya lang matatagpuan–at ang patuloy na pagpupunyagi ng kabutihan laban sa kasamaan.