Published September 26th, 2006
Tugon ni Bien Lumbera, National Artist, sa parangal ng Ateneo
Ito naman ang talumpati ni Bien Lumbera, Pambansang Alagad ng Sining sa Panitikan bilang tugon sa parangal na iginawag sa kanya ng Ateneo de Manila University kamakailan:
ANG ATENEO SA KASAYSAYAN KO BILANG GURO NG PANITIKAN
Tugon sa Parangal, 22 Setyembre 2006
Escaler Hall, Ateneo de Manila UniversityNang hingan ako ng talaan ng mga taong gusto kong maging panauhin sa okasyong ito, napukaw ang mga alaala ng sampung taong inilagi ko sa unibersidad na ito. Unang nagbangon sa gunita ang mga mukha ng mga estudyante at kapwa guro. Mga lugar sa kampus at mga pangyayari. At mga damdamin at diwang dinanas ko sa pakikipagkapwa sa mga gurong kapanahon ko, at sa pag-ugnay sa mga estudyante at sa mga tradisyon ng unibersidad. Kasabay ng mga alaala dumagsa ang mga yugto sa buhay ko nang ako’y nagsisimula pa lamang magturo at magpakilala bilang propesyonal sa labas ng unibersidad.








